Ito ang reaksyon ni Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa mga alegasyon na nag-tamper ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa mga ebidensya sa Mandaluyong shooting na naganap noong December 28.
Ayon kay Dela Rosa, ni hindi sumasagi sa kaniyang isipan na magagawa ito ng mga tauhan ng SOCO.
Napakataas aniya ng ethical standards ng mga ito kaya kahit siya pa mismo ang mag-utos, tiyak na hindi gagawin ng mga taga-SOCO ang mag-tamper ng ebidensya.
Ito ang tiniyak ng hepe ng PNP sa mga pamilya ng mga biktima sa nasabing shooting incident na naghihinalang nagkaroon ng tampering of evidence sa kasagsagan ng imbestigasyon.
Lumabas kasi dito na nagpositibo sa paraffin test ng SOCO ang isa sa mga nasawing biktima na si Jonalyn Ambaan.
Ipinaliwanag naman ni Dela Rosa na ang pag-positibo sa gunpowder test ay hindi 100 percent na nangangahulugan na nagpaputok ito ng baril.
Nasawi si Ambaan at ang trabahador na si Jomar Hayawun matapos paputukan ng mga tanod at pulis ng Mandaluyong ang sinasakyan nilang AUV sa Shaw Boulevard.