717 patay, 863 ang sugatan sa stampede sa Mecca, KSA
(Update) Umakyat na sa 717 ang naitalang patay samantalang 863 naman ang sugatan sa stampede na naganap sa Street 204 sa Camp City ng Mina malapit sa Mecca sa Saudi Arabia na siyang sentro ng mga pagtitipon kaugnay sa taunang Hajj pilgrimage.
Sa report ng Saudi Defense Ministry, ilang araw nang nagtitipon ang mga tao sa lugar kaugnay sa pagdiriwang ng tradisyunal na Eid al-Adha na karaniwang sinasabayan ng pagdagsa ng mga muslim mula sa ibat-ibang panig ng daigdig.
Papunta sa Mira at Jamarat ang mga pilgrims nang bigla na lamang magkaroon ng stampede na siyang dahilan kung bakit naipit at natapakan ang mga biktima.
Ayon sa Saudi Civil defense, dalawang medical center ang itinayo sa Mina kung saan higit 4,000 emergency workers ang ipinadala doon. Dinala ang mga sugatan sa pamamagitan ng 220 ambulansya sa apat na ospital sa naturang lugar.
Halos kapusin ang 4000 rescuers sa lugar dahil sa dami ng mga duguan at mga walang malay na biktima na hinugot sa gitna ng makapal na bilang ng mga pilgrims sa lugar.
Kaagad na napuno ng mga biktima ang mga pagamutan kaya naglagay ng medical tent sa ilang bakanteng lugar para doon gamutin ang ilang mga sugatan.
Sa tala ng Saudi government, ang naganap na stampede ay isa sa pinakamalala sa kanilang kasaysayan kung saan noong 2006 ay umabot sa 346 ang patay sa kahalintulad na stampede sa Jaramat.
Sinabi naman ng Department of Foreign Affairs na inaalam pa nila kung may mga pinoy na namatay o kaya’y nasaktan sa naganap na stampede.
Ang stampede ay naganap kaninang alas tres ng hapon oras sa Pilipinas kung saan ang mga pilgrims ay nasa kanto ng Mina malapit lamang sa Mecca. Doon ginanganap ang “stoning of the Devil”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.