Inamin ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald Dela Rosa na nagkaroon ng kapalpakan sa panig ng mga pulis sa naganap na pamamaril sa isang AUV sa Mandaluyong City kamakailan.
Ayon sa PNP Chief, nagkaroon ng pagkukulang ang mga pulis na rumesponde sa lugar, at ito ang dahilan para sila ay imbestigahan at makasuhan.
Gayunman, depensa ni Dela Rosa, ginawa lamang ng mga pulis ang kanilang tungkulin na rumesponde sa tawag ng barangay na nagbigay naman ng maling impormasyon.
Naaawa rin umano ang hepe sa siyam na pulis-Mandaluyong na sinibak sa pwesto dahil sa insidente dahil ginawa lang naman nila ang kanilang trabaho.
Dahil dito, hiniling ni Dela Rosa na maibalik ang training program ng mga pulis upang maiwasan na ang mga pagkakamali sa kanilang pagresponde.