Ayon kay MPD Spokesman Supt. Erwin Margarejo, magpapakalat ang MPD ng limang libong pulis at karagdagang 1,500 na augmentation forces mula sa ibang rehiyon.
Makatutulong aniya ang karagdagang 1,500 na pulis na magmumula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at sa iba pang rehiyon para matiyak ang kaligtasan sa kabuuan ng kapistahan.
Ayon pa kay Margarejo, bumuo rin ang MPD ng tatlong sub task group na tututok sa Plaza Miranda, Quirino Grandstand at sa ruta ng prusisyon.
Kaagapay ng MPD ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Department of Public Works and Highways, Philippine Red Cross, Department of Health at mga non-government organizations.
Noong nakalipas na taon, umabot sa 15 milyon ang mga debotong nakiisa sa mismong araw ng traslacion at inaasahan ngayong taon ay madaragdagan pa ng isa hanggang tatlong milyon ang mga dadagsang deboto sa araw ng pista.