PNP, nakapagtala ng zero-casualty stray bullet incident sa nakalipas na Pasko at Bagong Taon
Nakapagtala ng zero-casualty incident ang Philippine National Police (PNP) dahil sa indiscriminate firing sa nakalipas na Pasko at Bagong Taon.
Ayon kay PNP Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, walang naitalang nasawi dahil sa mga ‘stray bullets’ mula December 16, 2017 hanggang alas-dose ng tanghali ng January 1, 2018.
Nakapagtala rin ng all-time low record ang PNP sa bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok.
Sa tala ng Department of Health (DOH), mas mababa ito ng 68% kumpara noong nakaraang taon.
Paliwanag ni Bato, naging epektibo ang kampanya ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabawasan ang bilang ng mga nasusugatan dahil sa paggamit ng paputok, lalo pa ng ilegal na pagpapaputok ng baril.
Dagdag pa ng PNP chief, nakatulong ng malaki ang ipinatupad na Executive Order no. 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang malawakang deployment ng mga pulis sa buong bansa sa bisperas ng Bagong Taon.
Naging matagumpay rin umano ang ginawang information drive at kaunting pananakot ng mga miyembro ng PNP sa publiko na huhulihin sila sakaling maaktuhang nagpapaputok ng mga ipinagbabawal na paputok at baril.
Sa tala ng PNP, aabot sa 26 indibidwal ang naaresto ngayong taon dahil sa indiscriminate firing, apat sa mga ito ay miyembro ng police force at dalawa naman ang miyembro ng AFP.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.