NCRPO: Pamamaril sa Mandaluyong, may lapse sa operational procedure
Inamin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may lapse sa operational procedure sa pamamaril sa Mandaluyong city na ikinamatay ng dalawang sibilyan at ikinasugat ng dalawang iba pa.
Pinagbabaril ng mga pulis at barangay tanod ang puting Mitsubishi Adventure sa Shaw Boulevard noong Huwebes, December 28, 2017, sa pag-aakalang ito ang getaway vehicle ng isang suspect sa pamamaril sa lugar.
Pero sakay pala ng sasakyan si Jonalyn Amba-an na nabaril sa isang construction site habang inaawat sa away ang kanyang live-in partner.
Dahil sa pamamaril ay nasawi si Amba-an at ang kasama nitong construction worker na si Jomar Hayawon habang sugatan sina Eliseo Aluad at Danilo Santiago.
Ayon kay NCRPO spokesperson Supt. Kimberly Molitas, sinabi na mismo ni Director Oscar Albayalde na may lapse sa standard operation procedure dahil namaril ang mga pulis kahit walang active shooter o wala namang bumaril sa kanila o namaril mula sa loob ng sasakyan.
Sa isyu naman ng overkill, sinabi ni Molitas na base sa impormasyon ay 36 ang basyo ng bala na nakuha sa lugar kahit walang namaril mula sa mga biktima.
Dahil sa kapalpakan, aminado ang NCRPO official na dapat dagdagan ang training sa mga pulis para sa tamang pagtugon sa katulad na sitwasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.