ATM cards ng mga pulis, bahagi na ng kanilang uniporme
May dahilan na ang mga pulis para hindi otomatikong i-turnover sa kanilang misis ang kanilang mga ATMs.
Kasabihan na kasi hindi lang sa mga pulis kundi maging sa iba pang empleyadong mister na ang kanilang ATMs ay automatic na naitu-turnover sa kanilang misis para tiyak na ito ang makakakuha ng kanilang sweldo.
Ayon kay Chief Inspector Harry Sucayre, tagapagsalita ng finance service ng Philippine National Police, ginawa nang bahagi ng uniporme ng mga pulis ang kanilang ATM card kung saan direktang ipinapasok ang kanilang sweldo, allowances at bonus.
Araw-araw aniyang nagsasagawa ng inspeksyon sa lahat ng mga police units sa buong bansa para malaman kung ang mga tauhan ng PNP ay naka-complete uniform at kasama sa tinitignan ang kanilang police ID at ATM card.
Sinabi ni Sucayre na kapag nadiskubreng hindi dala ng pulis ng kaniyang ATM card, gaya ng pagkawala o kakulangan ng iba pang bahagi ng kanilang unporme, sila ay magkakaroon ng derogatory record at kailangan niyang magpaliwanag.
Katwiran ni Sucayre, ginagawa nila ito upang maiwasan ang pagsasanla ng mga pulis ng kanilang ATM sa mga nagpapautang na naniningil ng napakataas na interest.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.