Ayon kay Lanao del Norte Gov. Imelda Dimaporo, noong nakaraang Sabado pa lamang ay lumikas na ang mga residente sa bayan ng Kolambugan at Tubod sa ilang evacuation centers dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa kanilang lugar.
Ang nasabing mga bayan ay kabilang sa mga lugar na malubhang naapektuhan ng bagyong Vinta noong nakaraang linggo.
Sinabi naman ni Abeliza Manzano, disaster management officer ng Lanao del Norte, hindi pa niya maibibigay ang eksaktong bilang ng mga evacuee dahil tinutugunan din nila nasa 1,797 na pamilya mula sa apat na bayan na lumikas din dahil sa pananalasa ng bagyong Vinta.
Naka-standby na aniya ang mga heavy equipments mula sa provincial engineering office, Department of Public Works and Highways, at Army engineers sakaling kailanganin.
Naglunsad na din ng rescue operations sa ilang barangay kabilang na ang Mukas, Simbuco, Sto. Niño at Mangga, at maging sa bayan ng Kolambugan at Tubod kung saan tumataas na ang baha.
Sa Zamboanga del Norte, sinabi ni information officer Praxides Rubia na patuloy ang kanilang pagpupulong para matalakay ang mga hakbang na gagawin upang mapaghandaan ang magiging impact ng paparating na bagyo.
Ipinag-utos naman ni Pagadian City Mayor Romeo Pulmones ang forced evacuation sa mga residente mula sa mga lugar na kadalasang nakararanas ng landslides at flashfloods.
Pinatitiyak naman ni ARMM Gov. Mujiv Hataman ang zero casualty sa kanyang nasasakupan.
Una nang sinabi ng PAGASA na tatawid ang binabantayan nilang low pressure area sa Mindanao.
Sakaling maging ganap na bagyo, papangalan ito na “Agaton”.