Bilang ng mga bilanggo umakyat ng mahigit 500% dahil sa drug war

Mahigit limang daang porsyento ang itinaas sa bilang ng mga bilanggo dahil sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sa datos ng BJMP, bago manungkulan sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte ay nasa 110,000 na mga bilanggo ang nakapiit sa iba’t ibang detention facilities ng bansa.

Ngunit sa pagtatapos ng 2017 ay nasa 149,003 na ang mga bilanggo sa buong bansa.

Pinakamarami ang nakapiit sa Manila City Jail na mayroong 5,798 inmates, sinundan ito ng Cebu City Jail sa bilang na 4,995, at Davao City Jail na mayroon namang 3,348.

Mula sa naturang kabuuang bilang ng mga bilanggo ay 106,434 dito ay dahil sa kaso tungkol sa iligal na droga. Ang natira naman ay dahil sa iba’t ibang mga kaso kagaya ng murder, robbery, at physical injuries.

Isa sa ipinag-aalala ng BJMP ay ang kakulangan nila sa tauhan dahil mayroon lamang itong 12,200 na mga opisyal.

Ayon sa tagapagsalita ng BJMP na si Senior Inspector Xavier Solda, pangunahing dahilan sa pagdami ng mga nakapiit ay ang mas kaunting bilang ng mga nakakalaya kung ikukumpara sa dami ng mga pumapasok sa kulungan.

Kaya naman umaasa ang BJMP na magkakaroon ng mas mabilis na judicial process ang Supreme Court para agad na maresolba ang mga kaso.

Para sa 2018, inaasahang matatapos na ang pagbuo sa mga kulungan upang makatulong sa jail congestion.

Read more...