Ilang aeta lumuwas ng Maynila para salubungin ang bagong taon

Sa bisperas ng bagong taon, karaniwang abala ang maraming pamilyang Pilipino sa paghahanda at pagluluto ng pagsasaluhang Media Noche.

Pero para sa ilan, abala ang kanilang pamilya para kumita pa lamang ng ipanghahanda sa kanilang hapag-kainan.

Sa Marilao, Bulacan, namataan ng Radyo Inquirer ang pamilya Lapus na namamasko sa kalsada.

Nagmula pa ang pamilya Lapus sa bayan ng Malasa, Pampanga, malapit sa Bulkang Pinatubo.

Ayon kay Ida Lapus, 15-anyos na batang ina, dumating siya kasama ang labing siyam na kaanak sa Marilao para paghandaan ang pagsasaluhan sa bagong taon.

Bago aniya sa kanilang pamilya ang pagpunta sa Maynila para mag-ikot ikot sa iba’t ibang bahay at lugar upang makapag-ipon ng pera.

Nanirahan ang pamilya sa isang bakanteng lote sa bahagi ng Barangay Saog dala ang lahat ng kagamitan.

Kwento pa nito, blessing aniya na mayroong mabubuting-loob na namamahagi ng pagkain, ilang gamit at maging tuta bilang regalo.

Samantala, balik-Pampanga rin ang pamilya para magsalu-salo sa maaabot ng naipong pitong libong piso sa pagpasok ng 2018.

Nang tanungin kung gagawin ulit ito sa susunod na taon, posible aniya ito basta’t ang importante, magkakasama ang kanilang buong pamilya.

Read more...