Nitong nakaraan, tanging gasolina lamang ang merong “excise tax” na P4.35 bawat litro. Ginawa ito noong “1973 oil crisis” kung saan inipit ng OPEC ang suplay. At noon, ang sobrang paggamit ng gasolina ay tinatawag na Asyong Aksaya. Kaya’t simula noon, naging mas mahal ang gasolina sa diesel.
Ang dinagdagang “excise tax” sa gasolina ay magiging P10 bawat litro sa 2020. Pero ngayon, ang itataas muna ay P4.35 bawat litro. Sa 2019, magdadagdag ng P2 at sa 2020 ay P1.
Simula din ngayon, may “excise tax” na ang diesel kasama ang “bunker fuel” na P6 bawat litro sa loob ng tatlong taon. Ngayong 2018, sisimulan ito ng P2.50 bawat litro, sa 2019 tataas ng P2 at sa 2020, dadagdag ng P1.50.
Ang LPG ay papatawan naman ng excise tax na P3 bawat litro pagsapit ng 2020. Tig-piso na “increase” sa susunod na tatlong taon.
Ang kerosene o gaas ay may excise tax na din na P5 bawat litro hanggang 2020. Tatlong piso ngayon, piso sa 2019 at piso sa 2020.
Dito, kukunin ng gobyerno ang binawas nilang P172-B na “personal income tax” ng 7.5M na sumusweldong empleyado. Paglipat ng polisiya patungo sa “consumption taxation” ito. At sa kanilang karkula, hindi raw iindahin ng mga Pilipino ang dagdag na ”excise taxes”. Sabi pa, halos 0.3 % lamang daw sa ”inflation index”. Of course, to see is to believe.
Kung susuriin, pasahe sa jeepney, buses, ang direktang tatama sa mamamayan dito. Hindi ako magtataka na maging P10 – P11 ang “minimum fare”. Bukod diyan, tataas din ang presyo ng mga binebentang lutong pagkain ng mga empleyado sa opisina o maging sa bahay. Kung dati ay P50 ang kanin-ulam, pwedeng umakyat ito sa P80 – P100. Ang tanong, makakayanan ba nila ito? Saan nila kukunin ang dagdag na panggastos?
Sabi ni Sen. Sonny Angara, ang lumang tax code ay nagbibigay lamang ng P50,000 “personal annual tax exemption”. Dito sa bagong batas, P250,000 ang exemption at dahil wala nang babayaran ang empleyadong sumusweldo ng P20,800 bawat buwan makakatipid siya ng P49,900 bawat taon o P4,158 bawat buwan.
Sinuri ko ang ginawang table ng mga tax experts. Kapag sumusweldo ka ng P25,000, ang matitipid mo sa buwis ay P55,000. Kung P30,000 bawat buwan, matitipid mo ay P61,000.
Sa P40,000 bawat buwang sweldo, matitipid mo ay P69,000. Kung P50,000 bawat buwan ang sahod, tipid ka ng P77,000. Kung P70,000 bawat buwan, tipid ka ng P91,800 at kung P90,000 ang buwanang sweldo, ang matitipid ay P99,160. Higit P100,000 ang sweldo bawat buwan, ang tipid ay P101,760.
At ito’y sa mga single workers lamang, mas malaki ang maisusubi kung parehong nagtatrabaho si mister at misis. Bukod sa meron silang “500,000 tax-free income”, maari pa itong lumaki depende sa iba pang exemptions sa kanilang “income tax return”.
Sa totoo lang, ang importante sa akin ay nagbalik ng pera ang dating holdaper na gobyerno sa mga taong kumakayod sa araw-araw. Hindi ito nangyari kailanman sa kasaysayan ng Pilipinas.