Presyo ng mga pampaswerteng prutas, tumaas ngayong Bisperas ng Bagong Taon

By Angellic Jordan December 31, 2017 - 10:03 AM

Kuha ni Angellic Jordan

Maagang dumagsa ang mga namimili sa Altura Market sa bahagi ng Sta. Mesa, Maynila para bumili ng mga pampaswerteng prutas sa Bagong Taon.

Ayon sa tinderang si Mary Rose Ebeo, nagsimulang magsidatingan ang mga mamimili alas singko y medya pa lang ng madaling-araw.

Sa araw ng Bisperas ng Bagong Taon, tumaas pa ang presyo ng mga pangunahing prutas sa merkado.

Narito ang presyo ng mga prutas:

Sunkist – 25 pesos kada piraso, dating P15 hanggang P20
Kiat-kiat – P100 kada kilo na dating P60
Ponkan – P20 kada 3 piraso na dating limang piso kada piraso
Ubas – P250 kada kilo na dating 180
Longgan – P300 na kada kilo na dating 180
Melon – P30 hanggang P60 na dating P40
Watermelon – P150 hanggang P180 na dating P130
Peras – P25 dating P15 hanggang P20
Pineapple – P30 ang maliit habang P100 naman ang malaki na dating P50.

Maliban dito, nagdagdag pa ng prutas na binebenta para samantalahin ang dami ng mga bibili nito ngayong Bagong Taon.

Isa dito ang Mansanas kung saan pumapatak ang presyo sa sampu hanggang bente pesos kada piraso.

Paliwanag nito, malaki ang pagbabago sa mga presyo dahil sa dami ng mamimili at posibleng makulangan ng suplay.

Sa kabila ng pagtataas ng presyo, malakas pa rin aniya ang bentahan bunsod na rin ng sinusunod na tradisyon ng mga Pilipino na pagbili ng 12 hanggang 13 uri ng prutas na bilog sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Maliban naman sa mga prutas, patok na rin ang bentehan ng torotot.

Sa price monitoring ng Radyo Inquirer, nagkakahalaga ang maliit na torotot ng bente pesos habang P60 naman ang malaki.

Hindi naman na inaasahang tataas pa ang presyo nito hanggang mamayang gabi.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.