Duterte, nangakong lulutasin ang kaso ng pagkamatay ng hazing victim na si Atio Castillo
Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga miyembro ng angkan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na reresolbahin ang kaso ng pagkamatay ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo III.
Ito ang sinabi ng Pangulong Duterte sa tiyuhin ni Atio na si Gerardo sa ginanap na paggunita sa Rizal Day ngayong araw.
Ayon kay Gerardo, ang 22-anyos na UST Law student na pumanaw sa hazing ay great-great-grandson ni Dr. Jose Rizal.
Ayon umano kay Pangulong Duterte, lalabas na ang desisyon ng Department of Justice kaugnay sa kaso ni Atio sa unang linggo ng Enero.
Matatandaang September 16, 2017 nang dumalo sa umano’y ‘welcome party’ ng Aegis Juris Fraternity si Atio, pero hindi na ito nakauwi pa nang buhay sa kanyang pamilya matapos umanong sumailalim sa brutal na initiation rites ng frat.
Sinimulan ng Department of Justice ang kanilang imbestigasyon sa kaso ni Castillo noong October 4, kung saan 42 respondents ang kabilang sa kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.