Nagbigay pugay si Pangulong Rodrigo Duterte sa pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal, para sa pag-gunita sa ika-121 na anibersaryo ng kaniyang kamatayan.
Sa inilabas na pahayag ng pangulo, sinabi niya na maiging samantalahin ang pagkakataong ito upang kilalanin ang sakripisyo ni Rizal para sa kapakanan ng bansa.
Ayon pa kay Duterte, dapat alalahanin ang kaniyang pagiging makabayan habang patuloy na nagtutulong-tulong ang lahat sa pagbuo ng mas nagkakaisa, mapayapa at masaganang Pilipinas.
Ani pa Duterte, maging sa kamatayan ay ipinarating pa rin ng bayani sa mga Pilipino ang kaniyang paghahangad na magkaroon ng bansa na malaya mula sa “injustice, tyranny and suffering.”
Ngayong araw, December 30, ginugunita ang ika-121 taon ng pagka-martyr ni Rizal na pinatay sa Luneta dahil sa kaniyang pagmamahal sa bayan.
Maliban sa pagiging bayani, naging tanyag din si Rizal dahil sa kaniyang mga akda na “Noli Me Tangere,” “El Filibusterismo,” at “Mi Ultimo Adios.”