Pulis opisyal dinukot sa North Cotabato

By Kabie Aenlle December 30, 2017 - 04:01 AM

Dinukot ng mga armadong kalalakihan na hinihinalang mga komunistang rebelde ang isang opisyal ng pulis sa bayan ng President Roxas sa North Cotabato.

Tinukoy ni North Cotabato police director Senior Supt. Jonathan Tangonan ang opisyal na si Insp. Menardo Cui na deputy chief ng President Roxas police.

Ayon kay Tangonan, si Cui ay nasa isang tindahan sa Barangay Poblacion nang dumating ang apat na armadong kalalakihan at tinutukan siya nang baril saka tinangay noong Huwebes ng gabi.

Galing aniya si Cui sa Magpet kung saan ito naninirahan, at dumaan lang sandali sa tindahan habang patungo siya sa President Roxas police station.

Ayon naman kay North Cotabato police spokesperson Supt. Bernard Tayog, biniberipika pa nila ang mga ulat na nagpakilala umano ang mga armadong lalaki bilang mga rebeldeng New People’s Army (NPA).

Wala pa namang inilalabas na pahayag ang NPA na umaako sa pagdukot kay Cui, pero ayon kay Tangonan, wala namang ibang armadong grupo sa kanilang mga lugar bukod sa mga rebelde.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.