DSWD, nagpasalamat sa mga nag-volunteer sa repacking ng relief goods

By Kabie Aenlle December 30, 2017 - 01:30 AM

Lubos na nagpasalamat ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lahat ng mga volunteers na tumulong sa kanila para mag-repack ng mga relief goods para sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang disaster sa bansa.

Ayon kay DSWD officer-in-charge (OIC) Emmanuel Leyco, ang oras na inilaan ng mga volunteers ang pinakamagandang regalong ibinigay ng mga ito sa mga nangangailangan ngayong holiday season.

Ipamimigay ang mga ito sa mga internally displaced persons (IDPs) bunsod ng Marawi Siege, at pati na rin ang mga nasalanta ng mga bagyong Urduja at Vinta.

Magugunitang libu-libong residente ang inilikas at naapektuhan ng mga nasabing bagyo sa Mindanao at sa Visayas.

Paliwanag ni Leyco, mayroon na silang mechanized production system para sa automated at streamlined production ng family food packs (FFPs).

Gayunman, dahil tuluy-tuloy ang pagresponde nila sa mga biktima ng kalamidad, kinailangan na nilang pabilisin ang produksyon nito sa pamamagitan ng manual repacking.

Ayon kay Sophie Mendiola ng Production Management Division ng National Resource Operations Center (NROC), pumapalo sa 600 ang average na volunteers na dumating para tumulong kada araw.

Sa kabila nito ay nananawagan pa rin ang DSWD sa mas marami pang volunteers na handa namang tumulong at maglaan ng kanilang oras sa gabi.

Nangangailangan sila ng mga night shift volunteers na maaring tumulong mag-repack ng relief goods mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-8:00 ng umaga.

Para sa mga interesadong indibidwal o grupo, maari kayong makipag-ugnayan kay Ms. Sophie Mendiola sa 553-9864 at 09307669595.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.