Hepe ng Mandaluyong Police, kabilang sa mga sinibak dahil sa shooting incident sa lungsod
Kabilang ang kasalukuyang officer-in-charge ng Mandaluyong City Police na si Senior Superintendent Moises Villacerin sa mga sinibak sa pwesto dahil sa insidente ng pamamaril sa isang AUV sa panulukan ng Shaw Boulevard at Old Wack Wack sa Mandaluyong City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Superintendent Oscar Albayalde, si Villacerin ang ika-labingisang miyembro ng pulisya na pansamantalang tinanggal sa serbisyo habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) -Internal Affairs Service tungkol sa naturang insidente.
Kinilala ang iba pang mga sinibak na pulis na sina:
- PO1 Jave Arellano
- PO1 Tito Danao
- PO1 Bryan Nicolas
- PO1 Julius Libuyen
- PO1 Mark Castillo
- PO1 Alberto Buag
- PO1 Kim Tinbusay
- PO1 Alfred Urbe
- PO2 Nel Songalia
- Police Senior Inspector Vasquez
Ayon kay Albayalde, iimbestigahan nila kung may naganap na paglabag sa Police Operational Procedure at sa rules of engagement ang mga pulis.
Nasa kustodiya na rin ng Regional Personnel Holding and Accounting Unit (RPHAU) ang mga pulis na sangkot sa insidente.
Ayon pa kay Albayalde, isasailalim sa paraffin test at ballistics test ang lahat ng mga sangkot na pulis upang malaman kung sino sa kanila ang nagpaputok at nakapatay sa dalawang biktima, at nakasugat sa dalawa pa.
Dagdag pa ni Albayalde, nanindigan ang mga sangkot na pulis na “misinformed” lamang sila dahil ang alam nila ay armado ang mga sakay ng Mitsubishi Adventure.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.