Kinilala at natagpuan na ng mga pulis ang lalaking driver na sangkot sa isang road rage incident sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig na nag-viral sa social media.
Ayon sa isang pahayag, kinilala ng Taguig City Police ang lalaki na si Joseph Philip Lu Bautista, 36 na taong gulang at isang business consultant mula rin sa naturang lungsod.
Ayon sa mga otoridad, mismong si Bautista ang lumapit sa kanila at umamin na siya nga ang nasa viral video kung saan nakasagutan nito si Pinky Ortiz gabi ng Miyerkules sa McKinley Parkway.
Bagaman suot ni Bautista ang Philippine National Police (PNP) t-shirt nang maganap ang insidente ay itinanggi nito na siya ay isang miyembro ng pulisya.
Aniya, isinuot lamang niya ang naturang damit dahil kumportable ito sa katawan.
Sa viral video, sinabi ni Ortiz na papatawid siya ng kalsada nang businahan ni Bautista at binuksan rin nito ang sirena ng kanyang sasakyan. Matapos ito ay nag-overtake si Bautista at sinigawan si Ortiz. Nagbanta rin ito na dadalhin niya si Ortiz sa pulis dahil sa hindi pagsunod sa traffic light.
Ayon sa mga otoridad, mariing itinanggi ni Bautista ang mga naturang akusasyon.
Sa ngayon ay hinahanap ng mga pulis is Ortiz upang makapagsampa ng mga karampatang kaso laban kay Bautista.
Samantala, kakasuhan naman ng Taguig City Police si Bautista ng paglabag sa Article 179 of the Revised Penal Code dahil sa iligal nitong paggamit ng uniporme ng mga pulis.