Mga pulis na magpapaputok ng baril sa bagong taon, hindi palalampasin
Hindi palalampasin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Superintendent Oscar Albayalde ang mga ‘trigger-happy’ na mga pulis na magpapaputok ng kanilang baril sa pagsalubong sa bagong taon.
Ayon kay Albayalde, walang rason ang mga pulis para sa indiscriminate firing at ito ang mahigpit na ipinag-uutos ni Philippine National Police (PNP) chief, Director General Ronald Dela Rosa.
Aniya pa, posibleng matanggal mula sa serbisyo ang mga pulis na magpapaputok ng kanilang baril nang walang dahilan.
Sa ngayon ay mayroon nang dalawang pulis na nahaharap sa summary dismissal proceedings sa PNP Internal Affairs Service dahil sa indiscriminate firing.
Ito ay sina PO1 Arnold Gabriel Sabillo ng Rodriguez City, Rizal, at PO1 Marbin Jay Pagulayan ng Malate Manila.
Sa pagitan ng December 16 hanggang 27 ay kabilang ang dalawang pulis sa 9 na naaresto dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril.
Ayon pa kay Albayalde, sisibakin rin sa pwesto ang mga chief of police kung hindi aarestuhin ng mga ito ang mga nagpapaputok ng kanilang mga baril nang walang dahilan, lalo na iyong mga nakasakit o nakapatay ng kapwa.
Dagdag pa ni Albayalde, hindi na nilagyan ng muzzle ang mga service firearm ng mga pulis dahil hindi naman aniya ito epektibo.
Aniya, mas mabuti pang ipairal na lamang ang disiplina sa bawat isang miyembro ng mga pulis.
Sinabi rin nito na nakakahiya, lalo na sa mga makakakitang dayuhan, na mayroong tape ang mga baril ng pulis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.