Tuloy-tuloy ang pagdagsa ng mga pasahero sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City.
Maaga pa lang, mahaba na ang pila ng mga pasahero na magsisiuwian sa kanilang mga probinsya upang magdiwang ng Bagong Taon.
Karamihan sa mga pasahero sa Araneta Bus Terminal ay bibiyahe papuntang Samar at Leyte, habang ang iba naman ay pauwi sa Bicol region.
Nagkakaroon na rin ng bahagyang pagsikip sa daloy ng trapiko malapit sa terminal dahil sa mga taxi na nagbababa at nagsasakay rin ng mga pasahero.
Mahigpit rin ang seguridad sa paligid ng terminal. Katunayan ay ilang mga pulis ang rumuronda at may mga K9 units rin na nakabantay at nag-iinspeksyon sa mga bagahe, bukod pa sa pagche-check na ginagawa ng mga nakatalagang security guard sa terminal.
Paalala sa publiko, bawal ang magdala ng baril o anumang uri ng deadly weapon. Bawal rin ang matutulis na bagay at bawal rin ang pagdadala ng mga flammable materials sa kanilang bagahe.
Ayon sa pamunuan ng Araneta Bus Terminal, kaunti pa ang bilang ng mga pasahero sa ngayon, at inaasahan nilang dadagsa ang mga magsisiuwi mamayang hapon.