6 na magsasaka dinukot ng BIFF sa Maguindanao

By Justinne Punsalang December 29, 2017 - 12:12 AM

 

Anim na magsasaka sa bayan ng Datu Hofer sa Maguindanao ang dinukot ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).

Ayon sa hepe ng Maguindanao Provincial Police Office na si Senior Superintendent Agustin Tello, masuwerte namang nakatakas ang apat sa mga ito.

Kinilala ang mga nakatakas na bihag na sina Kannie Minggil, Mael Minggil, Elvin Minggil, at Uzik Labina, habang kasalukuyan pa ring hawak ng BIFF sina Kew at Kong Mintos.

Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, papunta ang anim sa kanilang mga sakahan sa Barangay Limpongo nang harangin at dukutin ng BIFF.

Habang natutulog umano ang mga bandidong dumukot sa kanila ay nagawang makatakas ng apat na mga magsasaka.

Ayon kay Tello, nakatanggap sila ng ulat mula sa mga opisyal ng barangay tungkol sa dalawang hindi pa nakikilalang mga bangkay na natagpuan sa Barangay Kabintong.

Inaalam pa hanggang ngayon kung ang mga ito ba ay ang mga katawan nina Kew at Kong Mintos, kasabay ng patuloy na paghahanap sa mga ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.