P100 bills na walang mukha sanhi ng printing glitch ayon sa BSP

FB photo

Inamin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sa kanila galing ang P100 faceless bills na nakuha ng isang depositor sa isa sa mga ATM ng Bank of the Philippine Islands (BPI).

Ipinaliwanag ni BSP Currency Management Subsector Director Carlyn Pangilinan na natukoy na nila ang printing machine na nagkaroon ng  “rare misprint” ng P100 bills na burado ang mukha ni dating Pangulong Manuel Roxas.

Nilinaw rin ng opisyal na umaabot lamang sa 33 ng P100 ang walang mukha base sa kanilang isinagawang imbestigasyon.

Kaugnay nito ay umapela ang BSP sa publiko na kaagad na isauli sa kanilang tanggapan ang mga walang mukha na paper bills para kanilang mapalitan.

Sinabi rin ni Pangilinan na isolated case ito at hindi dapat na pagmulan ng pagkaalarma ng publiko.

Samantala, sinabi ng BSP na hanggang sa December 29 na lamang ang kanilang gagawing pagpapalit sa mga lumang paper bills bago mademonitized ang mga ito.

Kanilang sinabi na hindi na sila magbibigay ng extension sa kanilang deadline dahil tatlong ulit na itong napalawig ng BSP mula pa noong nakalipas na taon.

Read more...