CHED, humingi ng paumanhin sa delayed allowances ng mga scholars
Humingi ng paumanhin ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa mga naantalang paglalabas ng allowances para sa mga government scholars.
Sa pahayag na inilabas ni CHED Chairperson Patricia Licuanan, batid nilang nagdulot ng aberya para sa kanilang mga scholars ang nasabing delay sa living allowances na kadalasa’y inaasahan ng mga ito para sa kanilang mga pamilya.
Paliwanag ni Licuanan, ang mga delay na ito ay bunsod ng maraming kadahilanan tulad na lamang ng kanilang internal system.
Hindi kasi kinaya ng kanilang sistema ang masyadong mataas na bilang ng mga dokumentong isinumite sa kanilang ahensya.
Maliban dito, nagkaroon din ng mga discrepancies sa mga documentary requirements, at mayroon ding mga karagdagang hinihingi sa kanila ang Commission on Audit.
Nangako naman ang CHED na pabibilisin ang pag-proseso sa mahigit 11,000 na sets ng mga dokumento sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga tauhan.
Bukod dito ay gagamit na rin aniya sila ng mga quality checks upang mas maagang masilip ang mga isyu at nang agaran itong masolusyunan.
Ayon sa CHED, makakamit ng 2,152 na scholars na nakasunod nang maayos sa guidelines ang kanilang buong living allowances pagsapit ng December 29.
Samantala, nasa 1,011 na scholars naman ang makatatanggap ng partial living allowances pagsapit ng January 5, 2018, at inaasahan silang magsumite ng kanilang mga deficiencies sa mga kaukulang opisina ng CHED bago o sa mismong January 10.
Kabuuang 933 na scholars naman ang hindi makakatanggap ng kanilang mga allowances hangga’t hindi nila nakukumpleto ang mga requirements nila sa CHED.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.