Mga bus terminal sa Maynila at Pasay patuloy na dinadagsa ng mga pasahero

 

May mga pasahero pa rin na humahabol sa pag uwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Sa Florida Bus Terminal sa Sampaloc, Manila, patuloy ang pagdagsa ng mga tao na umaasa na makakabili ng ticket.

Ayon kay Leo Batacan, terminal manager ng Florida, maaga pa lamang ay may mga nakapila nang chance passenger sa kanila.

Ito ay kahit fully booked na ang mga biyahe patungong Isabela, Cagayan at Ilocos.

Upang matugunan ito, naglaan ang bus company ng extra buses pero limitado lamang ito.

2 hanggang 3 extra bus kada araw ang bumabiyahe karaniwan sa gabi ngayong holiday season.

May ilan aniyang chance passenger na nakakasakay sa mga bus na regular ang biyahe kapag hindi dumarating ang mga pasahero na nauna nang nakabili ng ticket.

Samantala, fully booked din ang biyahe pa norte ng Victory Liner pero siniguro ng bus company na may extra buses sila.

Ayon kay Job Bello Sarmiento, dispatcher ng terminal, nasa 4 hanggang 6 na extra buses ang inilalaan nila sa mga pasahero.

December 20 pa lang daw ay fully booked na ang kanilang byahe at sa ngayon ay umaabot sa halos 70 trips ang kanilang naitatala araw-araw na kadalasan ay nasa 65 trips lang.

Dahil naman sa dami ng tao, nagkakaroon na nang kaunting pagsisikip ng daloy ng trapiko sa harapan ng mga bus terminal.

Read more...