Inutusan na ni Labor Sec. Sylvestre Bello ang kanilang regional office sa Davao City na magsagawa ng imbestigasyon para alamin ang kalagayan ng mga empleyado ng SSI Call Center.
Magugunitang karamihan sa mga namatay sa naganap na sunog sa loob ng NCCC Mall ay pawang mga empleyado ang nasabing U.S-based company.
Sinabi ni Bello na importanteng malaman kung nasa ligtas ba ng lugar ang mga empleyado ng nasabing kumpanya bago ang naganap na sunog na pumatay sa 38 katao.
“We will immediately look into possible violations of some safety and health standards,” ayon kay Bello.
Sinabi naman ni BPO Workers Association of the Philippines (BWAP) President Ruben Torres na dapat ring tingnan ng pamahalaan ang workplace ng iba pang mga call centers sa bansa.
Dapat umanong matiyak na nasa ligtas na kalagayan ang mga empleyado ng nasabing industriya na halos lahat ay nasa 24-hour operations.
Nauna nang sinabi ng Department of Justice na magsasagawa rin ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation para alamin kung sino ang mga dapat managot sa nasabing trahedya.