Pulis na mapapaputok ng baril sa New Year sisibakin

Inquirer file photo

Kaagad na sisibakin sa serbisyo ang sinumang miyembro ng Philippine National Police na masasangkot sa indiscriminate firing sa pagsalubong sa bagong taon.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni National Capital Regional Police Office Director Oscar Albayalde na mahigpit ang naging tagubilin sa kanila ni PNP Chief Ronald Dela Rosa na iwasan ang pagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa 2018.

Naniniwala umano ang liderato ng PNP na disiplinado ang kanilang mga tauhan kaya hindi na sila naglagay ng tape sa gun barrel sa mga baril ng mga pulis.

Umapela rin si Albayalde sa iba pang mga nagmamay-ari ng mga baril na umiwas sa pagpapaputok nito para sa kaligtasan ng publiko.

Kaagad umano nilang papasukin ang bahay ng sinumang maaaktuhan na nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa bagong taon.

Hinikayat rin nila ang publiko na makipag-ugnayan sa pinaka-malapit na himpilan ng PNP kapag sila ay nakakita o nakarinig ng nagpaputok ng baril.

Read more...