HPG, MMDA, suportado ang panukalang limitasyon sa car sales
Kinatigan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group o PNP-HPG at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang panukalang batas na nagre-regulate sa pagbebenta ng mga sasakyan, lalo na kung walang ‘parking area’ ang bibili.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni HPG Chief Arnold Gunnacao na suportado niya ang House Bill 5098 o Proof of Parking Space Act na naglilimita sa bentahan ng mga sasakyan, partikular sa mga walang sariling paradahan.
Ayon kay Gunnacao, napapanahon ang pagsasabatas ng panukala lalo pa’t nagmimistulang parking lot ang mga lansangan lalo na sa Kalakhang Maynila.
Hindi aniya magamit ang mga secondary road bilang alternatibong kalsada dahil ginagawang paradahan ng mga sasakyan.
Sinabi ni Gunnacao na kailangang magpakita ng sertipikasyon ang isang car buyer na mayroon siyang parking area bago pahintulutan ng isang car dealer na bentahan ng sasakyan.
Sa panig naman ng MMDA, malaki raw maitutulong ng pagsasabatas ng naturang House Bill upang mapakinabangan na ang mga secondary road at mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Una nang ipinanukala ng isang mambabatas ang paglimita sa pagbebenta ng sasakyan sa isang kostumer kung hindi ito makapagpiprisinta ng katibayan na mayroon itong lehitimong parking space para sa kanyang binibiling sasakyan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.