Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Cam na tumugon na si Senator Panfilo Lacson sa kaniyang kahilingan na isailalim sa imbestigasyon ang PCSO.
Si Lacson ang chairman ng senate committee on games and amusement.
Ayon kay Cam, hiniling niya sa senado noong nakaraang linggo na magsagawa ng imbestigasyon sa P10 milyon gastos ng PCSO sa katatapos lang na Christmas Party sa isang five-star hotel sa Mandaluyong.
Ang naturang isyu ang pinag-ugatan ng tumitindi pang away sa pagitan nina Cam at PCSO General Manager Alexander Balutan.
Sa patuloy na ‘word war’ sa pagitan nina Cam at Balutan, nagbanta pa si Cam na maglalabas ng iba pang mga anomaly sa PCSO.
“Sino ngayon ang walang bayag sa atin? Kapag tayo ay nagkaharapan malalalag ka sa akin sa upuan,” tanong ni Cam kay Balutan.
Ani Cam, hindi na dapat idamay pa ni Balutan sa kanilang away ang negosyante si Charlie ‘Atong’ Ang.
Aniya, hindi naman niya itatangging kaibigan niya talaga si Ang simula pa noong panahon ni dating pangulong Estrada.
Bagaman totoong sinamahan niya umano dati si Ang sa PCSO, ito ay walang kaugnayan sa sinasabing kagustuhan ni Ang na makapag-operate ng STL.
Kwento ni Cam, si Sec. Bong Go mismo ang nag-utos sa kaniya na samahan niya si Ang sa PCSO dahil baka makatulong ito sa problema sa misdeclaration sa kita ng mga STL operator.
“Si Atong Ang, pinasamahan sa akin ni Sec. Bong Go upon the instruction of the president kasi baka makatulong daw si Atong Ang sa problema sa misdeclaration sa PCSO. Ang sabi ni Atong Ang sa dalawang general, I am only here to help you, not to apply to be an STL operator”, dagdag pa ni Cam.