Mga kumpanya ng langis binalaan ng DOE sa price increase

Nagbabala ang Department of Energy laban sa mga negosyanteng magsasamantala sa presyo ng mga produktong petrolyo sa panahon ng kalamidad.

Ginawa ito ng DOE kasunod ng magkakasunod na pananalasa ng bagyong Urduja at Vinta sa ating bansa.

Ipinaalala ng kagawaran na oras na ideklara ang state of calamity, magpapatupad sila ng price freeze sa halaga ng kerosina at panlutong liquified petroleum gas o LPG.

Ang price freeze aniya ay tatagal ng 15 araw at magsisimula isang araw matapos ang deklarasyon ng state of calamity.

Nakapaloob ito sa Republic Act (RA) 10623, na nagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing produktong petrolyo sa mga lugar na apektado ng mga kalamidad.

Nakikipag ugnayan na ang kanilang Oil Industry Management Bureau at mga field offices sa mga kumpanya ng langis para sa pagpapatupad ng price freeze.

Kaugnay nito, hinihikayat ng DOE ang publiko na i-report ang mga lalabag sa implementasyon ng price freeze sa info@doe.gov.ph o sa Consumer Welfare and Promotion Office o di kaya itawag sa telepono 479-2900 loc. 329.

Read more...