Ayon kay Pangulong Aquino, aalamin niya sa pamunuan ng BOC kung bakit walang nakarating sa kaniyang formal report hinggil sa ginawa ni Torres.
Sinabi ni Pangulong Aquino na hindi pa niya nakakausap si Torres kaugnay sa nabunyag na usapin, pati ang sinasabing paggamit ni Torres sa pangalan ng pangulo para lamang mailabas ang mga misdeclared na container van na puno ng asukal galing Thailand.
Una nang sinabi ni PNoy na kung ang sukatan ni Torres sa kanilang pagkakaibigan ay ang paggamit ng kaniyang pangalan, ay hindi aniya ito maituturing na ‘totoong kaibigan’.
Binigyang-diin ng pangulo na hindi tama ang smuggling at lalong hindi tama ang influence peddling.
Batay sa report, si Torres ay nagpunta sa BOC-Intelligence Group noong ika-20 ng Agosto para gawan ng paraan at makiusap na maipalabas ang 64 na containers na naglalaman ng Thai sugar na may halagang higit sa P100-milyong piso..
Hinarang ng BOC ang naturang shipment dahil sa misdeclaration. Nakalagay sa shipment na general merchandise ang laman ng mga containers ngunit asukal pala mula sa Thailand ang laman.
Ayon sa BOC-IG, walang import permit sa Sugar Regulatory Board ang shipment na pag-aari ng isang Philip Sy. Nanindigan ang BOC-IG na hindi maaaring mai-release ang mga kargamento dahil sa itinuturing itong smuggled goods.
Tinangka pa umanong gamitin ni Torres ang pangalan ni Pangulong Aquino sa kanyang pakikipag-usap sa tanggapan ng BOC-IG at nagpahiwatig pa na kailangan ang malaking pera para sa darating na eleksiyon.
Si Torres na taga Tarlac ay kilalang kaibigan ni Pangulong Aquino.