3 patay, 20 ang sugatan sa magkakasunod na aksidente sa Quezon City at Pasig City

Kuha ni Justinne Punsalang

Patay ang isang babae at isang lalaki na kapwa sakay ng isang motorsiklo makaraang pumailalim sa isang bus sa panulukan ng Congressional Avenue at Mindanao Avenue sa lungsod Quezon.

Kwento ng saksi, parehong mabilis ang takbo ng motorsiklo at bus na parehong nanggaling sa Mindanao Avenue.

Dahil sa bilis ng patakbo ng motorsiklo ay nawalan ito ng kontrol at sumalpok sa bus na siya namang sumampa sa center island at bumangga sa puno.

Nang hanapin ng mga saksi ang motorsiklo ay laking gulat nila na pumailalim na pala ito sa bus.

Nagtulung-tulong ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Quezon City Rescue Team para makuha mula sa ilalim ng bus ang mga biktima.

Samantala, patay dina ng isang lalaking motorcycle rider matapos maaksidente habang binabagtas ang Mindanao Avenue tunnel sa Quezon City.

Kinilala ang rider na si Carlo Dagpin, dalawampu’t dalawang taong gulang na tubo pa ng Zamboanga del Norte. Sugatan naman ang angkas nitong si Ferdinand Somido.

Ayon kay PO2 Walter Tuengan ng Quezon City Traffic Sector 6, kapwa nakainom si Dagpin at Somido na nanggaling pa ng Valenzuela at patungo sana ng Tandang Sora. Bumangga umano ang sinasakyang motor ng dalawa sa center island at tumilapon ang mga sakay nito.

Sinasabing hindi suot ni Dagpin ang kanyang helmet.

Samantala, habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad ay isa namang motor ang bumangga sa isang SUV sa kabilang bahagi lamang ng kalsada.

Ayon sa rider na si Jerome Arpa, biglang tumigil ang Isuzu DMax na minamaneho ni Dianne Lin para tingnan ang naunang aksidente.

Dahil dito ay hindi agad nakapagpreno si Arpa, na nagresulta sa pagbangga sa SUV.

Maswerteng galos lamang ang natamo ni Arpa at angkas nitong si Romeo Yano, na wala namang suot na helmet.

Sa Pasig City naman, kapwa sugatan ang isang tricycle driver at motorcycle rider matapos silang magkabanggaan sa kahabaan ng Shaw Boulevard na sakop ng Barangay Pineda.

Kwento ng rider na si Derrick Olarte, binabagtas niya ang Shaw Boulevard nang mag-counterflow at banggain ng tricycle na minamaneho naman ni Reggie Samson.

Ani Olarte, nakikipagkarera Samson na dahilan kung bakit mabilis ang takbo nito.

Aminado naman si Olarte na nakainom ito

Ngunit giit naman ni Samson, si Olarte ang mabilis ang pagpapatakbo at siyang kumain ng kanyang linya.

Ayon pa dito, ilang beses nang ginalaw ni Olarte ang posisyon ng motor at tricycle bagaman mayroong pulis na nasa lugar.

Sa kanto naman ng West Avenue at Quezon Avenue sa Quezon City muli, labinlimang katao ang sugatan, kabilang ang isang buntis matapos banggain ng isang pampasaherong jeepney ang isang UV Express.

Kwento ng driver ng van na si Romelito Namatay, nakahinto siya dahil naka-pula ang traffic light, nang bigla na lamang siyang banggain sa likod ng jeep.

Sa lakas ng pagkakabangga ay umikot ang van at wasak ang likuran nito habang wasak naman ang harapang bahagi ng jeep.

Aminado naman ang driver ng jeep na si Arnel Obando na mabilis ang kanyang takbo. Katunayan aniya, nasa fourth gear ang kanyang sasakyan habang nagmamaneho.

Depensa ni Obando, nawalan siya ng preno kaya niya nabangga ang van. Aniya, nang mapansin niyang hindi na kumakagat ang kanyang preno ay dapat ibabangga niya sa gilid ng kalsada ang jeep. Ngunit dahil may tao doon ay idineretso na lamang niya at doon na niya nabangga ang van.

Ayon sa isang pasahero ng jeep, sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA ay muntik nang mabangga ng jeep ang isa pang van. Mabuti na lamang at nakabig pa ng driver ang sasakyan.

Ayon pa dito, sumakit ang tiyan ng buntis nang dahil sa aksidente. Hindi na umano nakapaghintay pa ang buntis kaya naman pumara na ito ng taxi para magpadala sa ospital.

Desidido naman si Namatay na magsampa ng kaso laban kay Obando.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...