15 sugatan sa pagsalpok ng jeep sa isang UV Express sa QC
Labinlimang katao ang sugatan, kabilang ang isang buntis matapos banggain ng isang pampasaherong jeepney ang isang UV Express sa panulukan ng West Avenue at Quezon Avenue sa lungsod Quezon.
Kwento ng driver ng van na si Romelito Namatay, nakahinto siya dahil naka-pula ang traffic light, nang bigla na lamang siyang banggain sa likod ng jeep.
Sa lakas ng impact ay umikot ng 90 degress ang van.
Bukod pa ito sa wasak na likuran ng van at harapang bahagi ng jeep.
Aminado naman ang driver ng jeep na si Arnel Obando na mabilis ang kanyang takbo. Katunayan aniya, nasa fourth gear ang kanyang sasakyan habang nagmamaneho.
Depensa ni Obando, nawalan siya ng preno kaya niya nabangga ang van.
Aniya, nang mapansin niyang hindi na kumakagat ang kanyang preno ay dapat ibabangga niya sa gilid ng kalsada ang jeep. Ngunit dahil may tao doon ay idineretso na lamang niya at doon na niya nabangga ang van.
Ayon sa isang pasahero ng jeep, sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA ay muntik nang mabangga ng jeep ang isa pang van.
Mabuti na lamang at nakabig pa ng driver ang sasakyan.
Ayon pa dito, sumakit ang tiyan ng buntis nang dahil sa aksidente.
Hindi na umano nakapaghintay pa ang buntis kaya naman pumara na ito ng taxi para magpadala sa ospital.
Desidido naman si Namatay na magsampa ng kaso laban kay Obando.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.