Banta ng ERC na nationwide blackouts hindi totoo ayon sa Bayan Muna

Inquirer file photo

Inakusahan ng Bayan Muna Partylist group ang Energy Regulatory Commission na isang uri ng blackmail ang kanilang pahayag na magkakaroon ng malawakang blackouts kapag tuluyang sinuspinde ang mga ERC officials.

Sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Isagani Zarate na dapat muna nilang sagutin ang kanilang mga pananagutan sa bayanbago gumawa ng kwento kaugnay sa power interruptions.

Sa simula pa lamang umano ay pawang mga interes na ng mga oligarch ang kanilang pinu-proteksiyunan imbes na bantayan ang halaga ng presyo ng kuryente na papabor sa sambayanan.

Nauna nang sinabi ni ERC Chairperson Agnes Devanadera na mapipilay ang kanilang operasyon kapag tuluyang sinuspinde ang apat sa kanilang mga board members.

Dahil isang collegial body ang ERC, kukulangin umano ang kanilang miyembro ng board kapag sinuspinde ang nasabing mga opisyal.

Magugunitang pinatawan ng suspension order ng Ombudsman ang mga ERC officials makaraan nilang paboran ang Meralco sa extension ng deadline para sa pagsasauli ng mga sobrang ibinayad ng mga consumers noong 2016.

Read more...