Lanao del Sur — Isang guro ang kabilang sa mga nasawi dahil sa paghagupit ng bagyong Vinta sa probinsiya ng Lanao del Sur.
Kinilala ang guro na si Rosenida H. Camar. Natagpuan itong walang buhay at kayakap ang ama na namatay rin.
Tinatayang nasa mahigit 20 katao na ang patay sa lalawigan pa lamang ng Lanao del Sur.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) governor Mujiv Hataman, naglaan na sila ng kaukulang pondo para matulungan ang mga biktima ng naturang bagyo.
Nitong umaga lamang ay binisita ni Hataman ang mga pamilya ng mga nasawi sa Lanao del Sur, kabilang ang naiwang dalawang anak ni Camar.
Namahagi rin si Hataman ng P10,000 cash assistance para sa bawat isang pamilya ng mga nasawing biktima.
Ayon pa kay Hataman, bukas, December 25, ay magsisimula nang mamahagi ang lokal na pamahalaan ng ARMM ng relief goods para sa mga apektadong pamilya.
Ngunit aniya, uunahin munang isagawa ang assessment ng damage at impact ng bagyo sa naturang lalawigan, kasama na ang iba pang mga probinsiya na apektado rin ng bagyong Vinta. –Amir Mawallil, Radyo Inquirer Contributor