Sa kabuuan ay pito na ang naitala sa Aksyon: Paputok Injury Reduction 2017 report. At ayon sa Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH) ang naturang bilang ay mas mababa kung ikukumpara sa datos noong nakaraang taon sa kaparehong petsa.
Batay sa naturang report, isang 12 taong gulang na bata mula Sampaloc sa Maynila ang nasugatan sa kanang kamay dahil sa paggamit ng piccolo, habang isang 11 taong gulang na bata mula sa Legazpi, Albay ang nasugatan sa kanyang kaliwang kamay matapos gumamit rin ng piccolo.
Samantala, isang 11 buwang gulang na bata naman ang ikatlong biktima na mula naman sa Malate, Maynila.
Tinamaan ito ng ‘Pop-pop’ sa kanyang kaliwang tuhod at maswerte namang hindi kakailanganing putulin ang kanyang binti.
Paalala ni DOH Undersecretary Gerardo Bayugo sa mga magulang, pigilan ng mga ito ang kanilang mga anak sa paggamit ng mga paputok, lalo na ang piccolo, para makaiwas sa anumang aksidente.
Dagdag pa ni Bayugo, iligal na paputok ang piccolo.
Paalala naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secreatary Martin Andanar, umiiral ngayon ang firecracker ban at sa ilalim ng Executive Order No. 28 ay tanging sa mga piling lugar lamang maaaring magkaroon ng pyrotechnics display at paputok sa bagong taon.
Ayon pa kay Andanar, mino-monitor ng Philippine National Police (PNP) ang pagbebenta ng iligal na mga paputok.