Patay sa pananalasa ng bagyong Vinta umakyat na sa 30

Inquirer file photo

Umabot na sa 30 katao ang bilang ng mga patay dulot ng pananalasa ng bagyong Vinta sa Northern Mindanao.

Sinabi ni Northern Mindanao Police Spokesperson Supt. Lemuel Gonda, 19 sa mga patay ay mula sa lalawigan ng Lando Del Norte na isa sa mga grabeng pininsala ng bagyo.

Ang iba naman sa mga biktima ay mula sa lalawigan ng Bukidnon at mayroon ring naitalan isang patay sa Iligan City.

Nauna nang sinabi ni Lanao Del Norte Gov. Imelda Dimaporo na may ulat ang kanyang mga tauhan na umaabot na sa 80 ang patay sa lalawigan pero ito ay kanila pa ring kinukumpirma sa kasalukuyan.

Isinailalim na rin sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Lanao Del Norte dahil sa lawak ng pinsala ng bagyong Vinta.

Maraming mga Barangay sa Bukidnon at Lando Del Sur ang hanggang ngayon ay isolated pa rin dahil sa malalim nab aha na siya ring dahilan kung bakit hindi sila madalhan ng mga relief items mula sa pamahalaan.

Sa ulat naman ng Office of the Civil Defense, umaabot sa 12,265 katao ang mga nasa evacuation centers hanggang sa kasalukuyan.

Inireport rin ng OCD na may pitong mga patay ang naitala sa lalawigan ng Lanao Del Sur bukod pa sa apat katao na nawawala hanggang sa kasalukuyan.

Sa kasalukuyan ay nananatiling malakas ang buhos ng ulan sa malaking bahagi ng Northern Mindanao ayon sa report ng OCD.

Read more...