Hindi pumayag ang aktres na si Sheryl Cruz na sumailalim sa DNA test na iniuugnay kay Senador Grace Poe bilang kanyang kapatid.
Ito ay sa harap na rin ng mga haka-haka na silang dalawa umano ng senadora ay magkapatid sa ina.
Ayon kay Sheryl, batid naman niya na walang katotohanan ang tsismis at magkaiba ang mga magulang nila ni Poe.
Nakiusap din siya na huwag nang idamay ang kanyang pamilya lalu na ang kanyang ina.
Ayaw umano niyang pagmukhain na nagkaruon ng karelasyong iba ang kanyang ina labas sa kanyang tatay.
Batid din umano niya ang magkakaibang bersyon ng tsismis na isinilang umano ng kanyang ina si Poe sa Davao, sa Amerika o sa ibang lugar, at dahil nga sa dami ng bersyon, at lahat pawang walang katotohanan.
Gayunman, muling sinsbi ni Sheryl na tutol siya sa pagtakbo ng kanyang pinsan sa pagka-presidente sa 2016 dahil hindi pa siya hinog para sa posisyon.
Pahabol pa niyang sinabi na ayaw niyang iwan ang kinabukasan ng bansa sa tsansa o sa tsamba dahil ang buhay ng mamamayan ay hindi naman isang sugal.