Umakyat na sa 23 ang bilang mga patay sa pananalasa ng bagyong Vinta sa Northern Mindanao.
Sinabi ni Philippine National Police Regional Office 11 Spokesman Supt. Lemuel Gonda na nagmula ang kanilang mga hawak na impormasyon mula sa limang provincial office na kanilang nasasakupan.
Karamihan umano sa mga namatay ay mula sa lalawigan ng Lanao del Norte, Misamis Occidental at Bukidnon.
Wala namang naitalang patay sa mga lalawigan ng Misamis Oriental, Camiguin at Cagayan De Oro City.
Umabot sa 7,087 na mga pamilya ang inilikas ng mga otoridad dahil sa mataas na tubig baha dulot ng bagyong Vinta.
Nakapagtala rin ang PRO 11 ng 118 mga bahay na nawasak ng bagyo maliban pa sa mga nasirang tulay at ilang imprastraktura.
Sinabi pa ni Gonda na posible pang tumaas ang bilang ng mga sugatan at patay dahil patuloy pa rin sa pangangalap ng impormasyon ang kanilang mga tauhan sa ilang mga lugar na grabeng naapektuhan ng bagyo.