Napatalsik na Mayor ng Lanao, aapela sa desisyon ng Korte Suprema
Maghahain ng motion for reconsideration ang alkalde sa Lanao del Norte na tinanggal sa pwesto na si Rommel Arnado, sa desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa kinaharap niyang disqualification case.
Nauwi sa disqualification case ang patuloy na paggamit niya ng kaniyang American passport matapos niyang talikuran ang kaniyang US citizenship at muling manumpa bilang mamamayang Pilipino.
Hindi pa natatanggap ni kopya ng ruling na nilabas ng Supreme Court en banc noong nakaraang linggo pero aniya, oras na matanggap niya ito ay gugugol siya ng 15 araw para pag-aralan ito.
Ani Arnado, tila mababalewala ang halos 9,000 na botong nakuha niya noong 2013 elections dahil sa nasabing ruling, na magbubunsod sa paglilipat ng kapangyarihan sa kaniyang kalaban na si Florante Capitan na nakakuha lamang ng 1,707 na boto.
Dalawang termino nang nanungkulan si Arnado bilang alkalde, pero ayon sa kataas-taasang hukuman, hindi siya kuwalipikado na tumakbo noong 2013 elections dahil “reaqcuired” lang naman ang kaniyang Filipino citizenship.
Ang nasabing desisyon na ibinaba ni Associate Justice Mariano del Castillo ay alinsunod sa isinasaad ng Korte Suprema na tanging natural-born Filipino lang na hindi nahahati ang katapatan sa Pilipinas ang maaaring tumakbo at manungkulan sa publiko.
Itinuturin ni Arnado na huling baraha ang nasabing motion for reconsideration na kaniyang ihahain bilang pag-palag sa desisyon ng Korte, pero aniya, sakaling tanggihan pa rin ito ng Korte, wala na siyang magagawa hinggil dito dahil para sa kaniya, nagawa na niya ang kaniyang trabaho o dapat gawin.
Dagdag pa ni Arnado, wala siyang balak hikayatin ang kaniyang mga taga-suporta na magsagawa ng protesta, at ibinibigay na niya ang desisyon sa mga residente ng Kauswagan kung hahayaan nilang mailipat ang kapangyarihan sa mga taong wala namang mandatong manungkulan sa kanila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.