Unang kaso ng biktima ng paputok naitala na ng DOH
Isang 11-anyos na batang lalaki mula sa Pasig City ang naitala bilang unang biktima ng paputok ilang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon.
Ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) na may pamagat na “Aksyon: Paputok Injury Reduction (APIR) 2017”, ginamot ang bata sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Ayon kay Health Undersecretary Gerardo Bayugo, nagtamo ng blast injury ang bata ngunit wala namang ‘amputation’.
Ipinapakita naman ng ulat na wala pang naitalang ng pagkalunok ng paputok at insidente ng ligaw na bala sa kahit anong bahagi ng bansa.
Ang unang kaso ng biktima ng paputok na naitala ay mas mababa ng limang kaso sa five-year average mula 2012 hanggang 2016.
Mas mababa rin ito sa limang kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Inaasahan na mas bababa pa ang mga kaso na maitatala ngayong taon sa layon ng DOH na makamit ang “zero firecracker-related injuries”.
Ito ay alinsunod sa Executive Order no. 28 na nilagdaan ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa pagpapaputok sa mga residential areas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.