Hindi hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na makahdalang ang pakikipagkaibigan niya sa sinuman sa kaniyang kampanya laban sa katiwalian at para sa pagpapaunlad ng buhay ng mga Pilipino.
Kahalintulad ito ng naging pangako ni dating Pangulong Joseph Estrada noong siya ay nanungkulan, na “walang kaibigan, walang kumpare” pagdating sa kurapsyon.
Sa isang talumpati, inamin ni Duterte na kaibigan niya ang ilang mga opisyal sa executive department na ikinadismaya niya dahil sa madalas na pagbiyahe ng mga ito sa ibang bansa.
Nilinaw naman ni Duterte na wala siyang problema sa kaniyang pakikipagkaibigan sa mga nasabing opisyal, ngunit kung pagdating na sa interes ng gobyerno ang pag-uusapan, isasantabi muna niya ang kanilang pagkakaibigan.
“We are all friends. I don’t have a problem with that. But when it comes to government interest, let us forget our friendship for a moment,” ani Duterte.
Ayon kay Duterte, napikon siya nang malaman niyang ilan sa mga opisyal kabilang na ang mga personal niyang itinalaga ay hindi mahagilap dahil lagi na lang nasa abroad.
Ikinainis kasi ng pangulo na pumupunta ang mga tao sa kanilang mga opisina para sa kanilang lagda ngunit hindi makuha dahil lagi silang wala, dahilan para kailanganin pang bumalik ng mga kliyente sa mga susunod na araw.
Giit ni Duterte, ang pag-biyahe para sa mga napaka-babaw na kadahilanan ay isa ring uri ng katiwalian.
Bagaman hindi ibinunyag ng pangulo ang pangalan ng mga nasabing opisyal, tiniyak niyang hindi siya mag-aatubiling sibakin ang mga ito kahit pa malaki ang naitulong nila sa kaniyang kampanya sa pagka-pangulo noon.
Nakagugulat aniya na kung sino pa ang mga nangumbinse sa kaniyang tumakbo para wakasan ang kurapsyon, ang siya pa palang magiging tiwali din matapos maitalaga sa kani-kanilang mga posisyon.