Vice Mayor Paolo Duterte, sinermonan ang anak na si Isabelle sa social media
Idinaan ni Vice Mayor Paolo Duterte sa isang Facebook post ang kaniyang galit sa anak na si Isabelle Duterte na kamakailan ay naging kontrobersyal dahil sa kaniyang photoshoot sa Malacañang.
Nag-ugat ito sa tweet ni Isabelle na nasa dayalektong Bisaya, kung saan sinabi niyang “Hindi dahil mayroon kang posisyon sa lungsod, hindi ka dapat manakit ng isang tao! Hindi dahil na may kapangiyarihan ka, hindi ka maaring manakit ng ibang tao!!! Hindi lang tao, kundi bata!!! Hindi ibig sabihin na may pangalan ka, hindi mo pwedeng gawin ang mga ganoong bagay!!! Hindi ibig sabihin na Duterte ka, ay pwede na!!!”
Sinundan pa ito ng isa pang tweet kung saan sinabi ni Isabella na taun-taon na lamang sinisira ng kaniyang ama ang kaniyang Pasko, kasunod ng pahayag na “What a time to be alive.”
Dahil dito, sa social media din inilabas ng bise alkalde ang kaniyang galit sa anak, sa pamamagitan ng pagpo-post sa Facebook gamit din ang dayalektong Bisaya.
Nakalagay din sa nasabing post ni Paolo ang screenshots ng mga tweets ni Isabelle na kaniyang ikinagalit.
Galit na sinabi ni Duterte na hindi siya mananahimik matapos dalawang beses nang “ibugaw” ng isang tao ang kaniyang anak na si Isabelle.
Ayon pa kay Duterte, kung walang pakialam ang ina ni Isabelle na si Lovelie Sangkola at ang step-father nito sa nangyayari, siya naman ay mayroon.
May pakialam aniya siya hindi dahil isa siyang Duterte kundi dahil isa siyang ama, kasunod ng hamon niya kay Isabelle na palitan ang kaniyang pangalan kung ito ang kaniyang gusto.
Binanatan niya rin si Isabelle na hindi marunong rumespeto at sinabing kahiya-hiya ang kaniyang anak.
Pinagsabihan niya pa ang anak na mag-aral muna para hindi ma-blanko ang utak, at saka sinabihan na hindi na marunong rumespeto dahil sikat na.
“Sikat saan Belle? Sikat mambastos sa ama? Hintayin mong mamatay ako para makalaya ka sa akin! Hintayin mo, day!” dagdag pa ni Duterte.
Isinaad din niya sa kaniyang post na batid naman niyang mapapahiya silang lahat dahil nasabing post. Ngunit dahil ito ang gusto ng anak at na “millenial” si Belle na aniya’y nakikinig lang sa dami ng likes, sa social media sila dapat mag-usap.
Wala aniya siyang pakialam kung mayroon siyang posisyon o mapapahiya si Isabelle dahil anak niya ito. Wala rin aniya siyang pakialam sa ibang tao lalo’t kung ito lang ang paraan para matuto ang anak sa kaniyang mga ginagawa.
Sa dulo ng kaniyang post, sinabi pa ni Duterte na ayusin muna ni Isabelle ang kaniyang buhay bago siya tumigil sa pagsira sa Pasko nito taun-taon.
Samantala, hindi naman ipinaliwanag ni Duterte kung ano at sino ang ibig niyang sabihin sa bahaging binanggit niyang “dalawang beses ibinugaw” si Isabelle.
Sa comments section, ipinaalala pa ni Duterte sa kaniyang mga followers na i-like ang nasabing post para sa kaniyang “millenial” na anak.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.