Inireklamo sa Office of the Ombudsman si dating Pangulong Noynoy Aquino, ilan sa kanyang cabinet members at ilang opisyal ng Sanofi Pasteur kaugnay sa iskandalong nilika ng Dengvaxia vaccine.
Mga magulang ng mga batang nabakunahan ng anti-Dengue vaccine ang naghain ng reklamong katiwalian.
Bukod kay Aquino, inireklamo din sina dating Health Sec Janette Garin, dating Budget Sec. Florencio Abad at dating Executive Sec. Paquito Ochoa.
Sa 23 pahinang reklamo, iginiit ng mga nagpetisyon na sinadya ng mga dating opisyal na bagamat wala pang kasiguruhan ang bisa ng bakuna ay minadali na ang pagbili ng Dengvaxia.
Ito rin ang dahilan kayat inakusahan din sina Aquino ng gross inexcusable negligence.
Binanggit din ng mga nagreklamo, responsable ang mga opisyal dahil inamin na ng Sanofi na hindi pa subok ang bisa ng Dengvaxia.
Giit nila tila mas matimbang pa sa mga inireklamo ang P3.5 bilyon kesa sa kaligtasan ng mahigit 700,000 bata.
Noong Nobyember 29 inanunsiyo ng Sanofi na maaring magkaroon o magdulot ng komplikasyon ang Dengvaxia sa mga nabakunahan nito na hindi pa naman nagkaroon ng dengue.