May-ari ng baril na ginamit sa pamamaril sa White Plains, kinasuhan
Sinampahan ng kasong illegal transfer of firearms ng Quezon City Police District ang tunay na rehistradong may-ari ng pistol na ginamit ni Jose Maria Abaya sa pamamaril sa Barangay White Plains, Quezon City noong Sept. 1.
Si case investigator PO3 Victorio Guerrero ang nagsilbing complainant laban kay Joseph Tee See na napag-alamang siyang rehistradong may-ari ng .40 caliber Glock 22 na ibinigay ni Abaya sa mga pulis nang siya ay sumuko sa QCPD Criminal Investigation Unit.
Matatandaang ikinamatay ng driver ng van at ng isang babaeng pasahero ang pamamaril ni Abaya sa pag-aakalang sinusundan siya nito para ibalik sa rehabilitation center.
Sinampahan ng dalawang counts ng murder at tatlong counts ng attempted murder si Avaya dahil sa insidente. Pero nauna rito, nakasuhan na rin si Abaya noong 2012 ng homicide dahil sa pagkakapatay nito sa security guard ng rehabilitation facility na dadamputin siya matapos niyang tumakas.
Hanggang ngayon naman ay pinaghahanap pa ng mga pulis si See para mabigyang linaw kung paano napunta kay Abaya ang baril na sa kaniya naka-rehistro, pero hindi na siya natagpuan ng mga pulis sa kaniyang huling address sa Malate, Manila.
Noong Sept. 9, isang Rene Lorenzo ang nag-sumite ng judicial affidavit sa pamamagitan ng abogadong si Maria Angelica de Ramos na nagsasabing nasaksihan niya ang transaksyon sa pagitn ni See at Abaya, at kaakibat din nito ang deed of sale na may petsang March 14, 2015.
Ang transaksyon na namagitan kina See at Abaya ay isang paglabag sa Section 41 ng Comprehensive Law on Firearms and Ammunition kung saan nakasaad na labag sa batas ang pagbibigay ng pag-aari sa isang taong wala namang kaukulang permit o lisensya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.