Aabot sa 45 kilo ng shabu ang nasabat sa isinagawang drug buy bust operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa West Avenue kanto Bulacan Street sa Quezon City Huwebes ng umaga.
Ang nasabat na mga shabu na ayon kay QCPD Director Joel Pagdilao ay maituturing na high grade na uri ng shabu ay tinatayang nagkakahalaga ng P225 million batay sa kasalukuyang street value nito.
Naaresto sa nasabing operasyon ang isang Gary Go na nakilala sa pamamagitan ng Voter’s ID at Driver’s License na nakuha sa kaniya at ang kasama nitong babae na nakilala lamang bilang Sheralyn Borromeo.
Ang dalawa ay sakay ng Hyundai Santa Fe na may plate number ZRF 123 nang sila ay madakip.
Sinabi ni Pagdilao na 5 kilo ng shabu ang unang nasabat sa dalawa sa isinagawang buy bust at nang inspeksyunin ang tatlong bag sa likod ng sasakyang gamit ng mga suspek ay tumambad sa mga otoridad ang 40 kilo pa ng mga shabu.
Ayon kay Pagdilao ang operasyon ay bahagi ng tuloy-tuloy na operasyon ng QCPD laban sa mga tulak ng droga sa Lungsod.
Ito na aniya ang ika-apat at pinakamalaki sa magkakasunod na na operasyon ng QCPD matapos ang mga drug operations sa Kamias QC, Fairview at Tandang Sora kamakailan.
“Talagang sanay na sanay sila sa pagde-deliver, biruin nyo ganoon karaming shabu ang dala-dala nila sa sasakyan ide-deliver sa Metro Manila, parang orinaryo lang sa kanila. Tuloy-tuloy po ang gagawing mga operasyon ng QCPD under ‘Oplan Lambat Sibat’ ng DILG, and so far ito po ang pinakamalaking nakumpiska natin,” ayon kay Pagdialo.
Ang mga nasabat na shabu at marked money ay dinala sa PNP Crime laboratory sa Camp Crame. / Erwin Aguilon
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.