Balitang patay na ang driver na sinampal ng nakagitgitang babae, fake news lang
‘Fake news’ lamang ang balitang pinatay ang taxi driver na si Virgilio Doctor.
Kumakalat ngayon sa social media ang isang article kung saan nakasaad na pinatay ang taxi driver sa viral video.
Si Mang Virgilio ang taxi driver na sinampal at pinagmumura ng nakagitgitang call center supervisor na si Cherish Sharmaine Interior matapos makagitgitan sa kahabaan ng Congressional Avenue sa Quezon City.
Ayon sa article, pinagbabaril umano si Mang Virgilio ng riding in tandem nang ito ay papauwi na sana mula sa pamamasada. Itinuturong utak si Interior sa sinasabing pamamaslang sa taxi driver.
Ngunit paglilinaw ni Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters’ Safety and Protection at kasalukuyang abugado ni Mang Virgilio, hindi totoo ang kumakalat sa social media.
Ayon kay Inton, buhay na buhay pa ang 52 taong gulang na taxi driver at pursigidong ituloy ang kaso laban kay Interior.
Kaya naman hinimok ni Inton na itigil na ang pagkakalat ng naturang article. Babala ng abugado, maaari nilang sampahan ng kaso ang mga nasa likod ng pagkakalat at pagbuo ng naturang fake news.
Matatandaang naging viral din noong nakaraang linggo sa pamamagitan ng social media ang kuha ng isang netizen sa aktong pananampal at magmumura ni Interior kay Mang Virgilio.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.