Gastos ng PCSO sa party, 6 Million lang, GM Balutan, masama ang loob kay Cam

By Cyrille Cupino December 22, 2017 - 10:34 AM

Inquirer file photo

Nilinaw ni Philippine Charity Sweepstakes Office General Manager Alexander Balutan ang mga isyu na ibinabato laban sa kanilang ahensya dahil sa nakalipas nilang Christmas Party.

Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Balutan, sinabi nito na 14 million pesos ang orihinal na budget ng PCSO para sa kanilang Christmas party, at tinapyasan na nila ito ng malaki upang makatipid.

Ayon kay Balutan, umabot lang sa 6 million pesos ang kabuuang gastos ng ahensya para sa kanilang Christmas Party na ginanap sa EDSA-Shangri-La Hotel noong Martes.

“Ang actual talaga dyan ay 6 million lang ang nagastos, at may Official Receipt yan. Yung 10 million na sinasabi niya (BM Sandra Cam), approved ng Board yun for Planning purposes only at may miscellaneous expenses doon na hindi nagamit,” ayon kay Balutan.

Paliwanag ni Balutan, kinailangan nila ang malaking venue para magkasya ang mahigit 1,500 empleyado ng PCSO mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sinabi pa ni Balutan na lumobo ang kita ng PCSO ngayong taon, pero nabawasan ang mga bonus ng kanilang mga empleyado dahil sa utos ng Malacanang. Bilang pinuno ng ahensya, naisip umano niya na karapat-dapat lamang matanggap ng kanilang mga empleyado ang isang masayang Christmas Party.

Dagdag pa ni Balutan, nakatipid pa ang ahensya para sa kanilang party ngayong taon, dahil kung ikukumpara sa mga nakaraang taon, mas malaki ang ginagasta ng PCSO para sa kanilang taunang Christmas Party.

“Malalaki rin po yung gastos noong nakaraang mga taon kaya nga tinapyasan pa natin yan, from 14 million, binawasan natin hanggang naging 11 million, 9 million, down to 6 million na lang,” paliwanag ni Balutan.

Handa naman umanong sumailalim sa imbestigasyon si Balutan at ang pamunuan ng PCSO kung kinakailangan dahil kumpleto naman ang kanilang mga resibo at dokumento.

MASAMA ANG LOOB

Inamin rin ni Balutan na sumama ang loob niya kay Cam.
Ayon kay Balutan, noong nakaraang taon pa sinasabi ng bagong-talagang Board Member na lilinisin niya ang pamunuan ng PCSO.

“Bago pa lang siya dumating, sinasabi na niya (Cam) na gusto niya mag-Chairman, gusto niya mag-GM, bago pa siya pumasok dito, nag-aapply pa lang, sinasabi niya na yan na lilinisin niya kami rito sa PCSO, edi sumakit ang loob namin dito,” ayon kay Balutan.

Ayon kay Balutan, mula nang maupo siya, maayos na ang pamamalakad sa ahensya, ito’y sa pamamagitan ng kanilang transparency campaign sa pamamagitan ng mga press conference sa media.

“So far, maganda na po ang imahe, nagkakaroon kami ng press conference sa tri-media. Kapag nagpapa-press conference kami, inilalagay namin lahat ng figures namin, para maging transparent ang ahensya,” paliwanag pa ni Balutan.

Kinausap rin umano ni Balutan si Cam upang maging malinaw ang mga kontrobersiya sa kanilang ahensya.

“Kung ‘di niya (Cam) magustuhan, ibubuga niya sa media. Sinabi ko sa kanya, ‘Do not bite the hand that feeds you. We are a family now, do not destroy your mother and father, your family,'” dagdag pa ni Balutan.

Binanatan pa ni Balutan si Cam, at sinabing sinisira ng bagong talagang Director ng PCSO ang mismong ahensyang pinagsisilbihan nito.

“Ang nangyayari, sinisira niya ang ahensya. Sinisira niya ang PCSO under the President,” ayon pa kay Balutan.

TAGS: General Manager Alexander Balutan, PCSO Christmas Party, sandra cam, General Manager Alexander Balutan, PCSO Christmas Party, sandra cam

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.