Sa panayam ng Radyo Inquirer sa Pangalawang Pangulo, tanggap naman niya ito, pero aniya nagulat din siya sa lumabas na resulta na nangulelat siya sa pinagpipilian ng publiko para sa pagkapangulo.
Aniya hindi naman siya nababahala dahil, hindi naman tinanong kung “sino ang kanilang iboboto, kundi sino ang unang pumapasok sa isip nila sa pagkapangulo?” na tinatawag na “recall” lamang ng utak.
Idinagdag pa nya na malayo pa ang eleksyon upang pangunahan kung ano ang talagang pulso ng bayan.
Ngunit agad niyang sinabi na isa itong paraan upang mas lalo niyang paigtingin ang kampanya nya sa mga kababayan sa buong bansa.
“Sa isang bahagi, isa itong wake up call, na kailangan pang dagdagan ang sipag sa pagbisita at pagpapaliwanag sa ating mga kababayan,” ang wika ni Binay.
Ipinaliwanag din ni Binay, na hindi niya pinagsisihan na napaaga ang pag anunsyo niya ng pagtakbo sa pagkapangulo, kaya siya ngayon ang ginigisa.”Ganyan naman talaga ang pulitika, tanggap na ng tao iyon,” ang nasambit ni Binay.
Sa mga pagbabagong nagaganap, malaking tulong din aniya ito upang malaman niya kung mabisa o hindi ang kampanyang ginagawa.
Kasalukuyan namang sinusuyod ni VP Binay ang Pilipinas upang mangamusta sa mga kababayan, at manligaw na siya ang piliin sa susunod na eleksyon.
Hindi pa naman nakakapili si Binay ng senatorial line up, maging ng konkretong magiging kanyang pangalawang pangulo.