Sen. Grace Poe, nais paimbestigahan ang paglubog ng passenger ship sa Quezon
Inihayag ni Senator Grace Poe na dapat magsagawa ng imbestigasyon ukol sa paglubog ng passenger ship sa lalawigan ng Quezon.
Kahapon, araw ng Huwebes lumubog ang Mercraft-3 lulan ang 250 pasahero sa pagitan ng Dinahican Point sa Infanta at Agta Point sa Isla ng Polillo at ikinasawi ng apat na katao.
Sa isang press statement, sinabi ni Poe na kahit hindi overloaded ang naturang sasakyang pandagat ay dapat alamin ng awtoridad kung ang nangyari ay isang aksidente o kapabayaan ng tao.
Dahil dito, muling iginiit ng senadora ang kanyang panawagang pagbuo sa National Transportation Safety Board (NTSB).
Sa pamamagitan anya ng NTSB, masisiguro ang mas maayos na safety standards upang mapigilang mangyari ang mga trahedya.
Bubuoin anya ng mga eksperto ang NTSB na magsasagawa ng mga pagsisiyasat upang makagawa ng mga ulat at rekomendasyon na makatutulong na mapigilan ang mga civil at public transportation accidents sa hinaharap.
Si Poe ay ang chairman ng Senate Committee on Public Services.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.