Abu Sayyaf, hinihinalang nasa likod ng kidnapping sa Samal Island
Bagaman wala pang direktang kumpirmasyon, ang Abu Sayyaf ang hinihinalang nasa likod ng pagdukot sa tatlong dayuhan at isang Filipina sa Island Garden City of Samal bago sumapit ang hatinggabi noong Sabado.
Naglunsad na ng mas mahigpit at malawak na paghahanap sa mga biktima ang mga pulis at sundalo.
Sakay ng dalawang bangkang de motor, sinubukan din ng mga kidnapper na dukutin ang isang Haponesa at ang kaniyang asawa, pero nakatakas ang dalawa sa pamamagitan ng pagtalon sa tubig.
Ang ginawang pagsalakay ay sinasabing kahalintulad ng mga estilo na ginagamit ng Abu Sayyaf sa pagdukot ng kanilang mga biktima.
Para kay Igacos Mayor Aniano Antalan, posibleng Abu Sayyaf nga ang may kagagawan nito kahit pa may isang grupong hinihinalang New People’s Army na ang umako sa nasabing pagdukot.
Ayon kay regional police director Senior Supt. Samuel Gadingan, may nakitang kapirsong papel ang mga kinauukulan malapit sa Holiday Oceanbiew Marina na marahil ay iniwan ng mga kidnappers.
Sa nakitang papel, tinukoy ng sumulat na ang ginawang pagdukot ay dahil sa pagpatay sa kanilang commander na nais nilang malapatan ng karampatang hustisya.
Isang mataas na NPA Commander ang napatay kamakailan sa Davao.
Gayunpaman, hindi pa rin naniniwala si Antalan na NPA ang may kagagawan nito dahil aniya, walang kakayahan ang NPA na gumamit ng ganoong estilo sa pagdukot dahil hindi sila gumagamit ng pump boats, na siya namang laging gamit ng mga Abu Sayyaf.
Mahigpit ring minamatyagan ni Pangulong Aquino ang pursuit operations na inilunsad ng Philippine National Police, ng mga militar at iba pang law-enforcement agencies na maaaring makatulong.
Ayon naman kay Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hindi pa rin natutukoy ng PNP ang grupong nasa likod ng pagdukot, pero aniya, nakikipagtulungan na ang PNP antikidnapping group sa Eastern Military Command ng Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya para mas mapabilis ang pag-resolba sa kaso.
Nakilala ang mga biktima bilang sina John Ridsdel, 68-anyos at dating senior vice president ng Canadian mining firm na TVI Resource Development Philippines, Inc. at Robert Hall, 60-anyos na parehong Canadians; Norwegian na si Kjartan Sekkingstad, 56 anyos na manager ng Holiday Oceanview Marina at ang isang Filipina na kinilala lang bilang Tess.
Ani Gadingan, nagsagawa na rin sila ng search-and-rescue operations sa Compostela Valley, Davao Oriental at Davao del Norte, sa tulong na rin ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.